ITINANGGI ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na may ipinangakong kapalit ang Duterte administration sa high-profile inmates ng New Bilibid Prisons (NBP) sa pagtestigo nila laban kay Sen. Leila de Lima.
Ayon kay Aguirre, walang inialok na parole sa nasabing mga inmate kapalit nang pagsasalita nila laban kay De Lima.
Haharap ang Bilibid inmates sa pagdinig ng Kamara sa Martes kaugnay sa pamamayagpag ng ilegal na droga sa NBP noong si De Lima pa ang namumuno sa Department of Justice (DoJ).
Sinabi ni Aguirre, ang tanging tiniyak lang nila sa inmates ay hindi gagamitin ang testimonya laban sa kanila.
Katunayan wala aniyang inaasahang kapalit ang nasabing mga preso sa kanilang pagtestigo laban sa senadora.
Kabilang sa mga tetestigo sina Herbert Colangco at Noel Martinez.
Ayon kay Aguirre, isisiwalat nila kung paano sila nagbenta ng shabu para sa campaign fund ni Sen. De Lima.