KINOMPIRMA ng pambansang pulisya, puwede nang magpatrolya sa malls ang armadong mga pulis.
Ito’y sa kabila nang banta sa seguridad at kaliwa’t kanang bomb scares na nararanasan sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Directorate for Operations, Chief Supt. Camilo Cascolan, makaraan mapagkasunduan ng PNP at mall security managers, pumayag na silang makapagpatrolya ang unipormadong pulis sa malls.
Bukod sa uniformed policemen, magpapatrolya rin ang mga pulis na naka-civilian clothes.
Paliwanag ni Cascolan, trabaho ng mga pulis na nagpapatrolya sa loob ng malls na i-monitor ang kahina-hinalang mga indibidwal.
Paniniwala ng heneral, malaki ang maitutulong ng publiko para labanan ang problema sa terorismo.