LEGAZPI CITY – Patay ang isang dating transport leader sa Albay makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang riding-in-tandem suspects sa labas ng kanilang bahay sa Brgy. Inarado, Daraga, Albay kahapon.
Ayon sa mga saksi, naglalakad ang biktima at ang kanyang apo nang dalawang lalaking lulan ng isang motorsiklo ang biglang nagpaputok ng baril kay Oscar Magallon, dating pangulo ng Albay Jeepney Drivers Association.
Tinamaan ng limang bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Samantala, hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa insidente.
Magugunitang pinamunuan ng biktima ang tigil-pasada mula 4:00 am hanggang 12:00 ng hatinggabi sa Albay noong taon 1996 bilang pakikiisa sa layuning i-repeal ang oil deregulation law na nagresulta sa 99 porsyentong pagkaparalisa ng transportasyon sa lugar.