IGINIIT ni Bela Padilla na hindi naman malaki ang pagkakaiba ng mainstream movie sa indie film. Ito ay bilang tugon sa pagkokompara sa katatapos na matagumpay niyang pelikulang Camp Sawi at ang ire-release pa lang na I America sa Setyembre 21.
“Feeling ko pantay pantay lahat, iba-iba lang ang direksiyon,” anito na ginagampanan ang papel ni Erica, isang aspiring/model actress mula Olongapo. Ang I America ay istorya ng mga Americian sa Olongapo o iyong mga tinatawag na GI babies. “They are the people who are experiencing an identity crisis na parang hindi nila alam kung saan talaga sila nararapat o saan sila lulugar, ganoon po ang kuwento nitong pelikulang ito.”
Sinabi pa ni Bela na, “Parang iba-iba po ang bawat project na dumarating. Iba kasi ang market ng ganitong klase ng pelikula compared sa isang soap na nagawa mo o ng isang mainstream.
“Hindi rin naman malaki ang pagkakaiba nito kasi sobrang inalagaan naman nila ako. Sa ‘Camp Sawi’ puro kami magkakaibigan and part ako ng production, feeling ko. Hindi naman kami nagpa-special doon dahil artista kami. Halos the same lang. Sabay ko halos nagawa ito eh nauna lang ang ‘I America’ ng kaunti, two weeks right after balik na ako Bantayan Island (for Camp Sawi).
Ani Bela, nakare-relate siya sa kanyang karakter dahil tulad nito, magkaibang lahi rin ang kanyang mga magulang (Filipina ng kanyang ina at British ang kanyang ama). Ngunit hindi siya katulad ni Erica na very outspoken at malakas magmura.
“Kapag napanood ninyo ito, masayang pelikula ito kasi Erica is in a way na in a funny ang situation kasi ang dami niyang gustong taong tulungan na minsan hindi na niya napapansin ang mga proseso o paraang ginagawa niya,” esplika ni Bela sa kanyang karakter.
Ang I America ay isang dramedy na wala raw eksenang sobrang bigat. “Very real mas totoong buhay ito,” sambit pa ng dalaga. Ito ay idinirehe ni Ivan Andrew Payawal at mapapanood na sa September 21 handog ng Viva Films, The Ideafirst Company, at Eight Films.
Sa kabilang banda, sinabi pa ni Bela na nagandahan siya sa project kaya niya tinanggap ito. “Kasi nakita ko ang sarili ko na ginagawa siya, na excite akong i-shoot ayokong makitang mapunta siya sa iba kasi gusto ko na siya.”
Nilinaw naman ni Bela na hindi niya solo movie ang I America. “Ayoko pong isipin ang ganyan. Ayoko pong bigyan ng expectation ang sarili ko ng ganyan kasi parang for me tapos na ‘yung run namin ng Cinemalaya. ‘Yung commercial release parang bonus sa amin because we had a good run in Cinemalaya kaya kami napagbigyan na magkaroon ng ganitong commercial run ngayon. Ganoon po.”
Ayaw din ni Bela na ikompara ang I America sa Camp Sawi. “Unfair na i-compare kasi very different genre. At saka sobrang mainstream ng ‘Camp Sawi’. Itong ‘I America’, is really a festival movie (Cinemalaya 2016), ‘yun ang purpose niya.”
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio