TULUYAN nang tinanggalan ng lisensya ng baril ang 72 sa nasa 100 lokal na opisyal at law enforcers na nadawit sa operasyon ng ilegal na droga, na kabilang sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Firearms and Explosive Office (FEO) deputy director, Senior Supt. Jose Malayo, sa 72 personalidad ay 44 dito ang elected officials, isang judge, tatlong opisyal ng PNP at 24 ang mga tauhan mula sa PNP, AFP at sa iba pang law enforcement agency.
Habang umaabot sa 380 baril ang nakita ng FEO na pagmamay-ari ng mga nabanggit, kasama ang siyam na pagmamay-ari ng naarestong Vice Mayor ng Talitay, Maguindanao na si Abeulwahab Sabal, kinabibilangan ng limang short firearms at apat na class A light weapons o high-powered firearms.
Dagdag ni Malayo, sa 380 firearms na tinanggalan ng lisensiya, 49 pa lamang ang ipinatago o naka-deposit ngayon sa PNP.
Paliwanag ni Malayo, kung hindi maidedeposito ang mga nasabing baril mahaharap ang mga nabanggit sa kaso dahil sa paghawak ng loose firearms.
Ito aniya ang isa sa dahilan kung bakit nahuli si Vice Mayor Sabal sa airport sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.