CAUAYAN CITY, Isabela – Nilalapatan ng lunas sa ospital ang hepe ng Ambaguio Police Station sa Nueva Vizcaya makaraan barilin ng isang magsasaka na sinasabing naglalagay ng nakalalasong substance sa water source ng mga residente sa Labang, Ambaguio.
Sinabi ni Senior Supt. Leumar Abugan, provincial director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), dakong 11:00 pm kamakalawa nang tumugon sa sumbong ng mga residente ang pangkat ni Senior Inspector Johnny Villar kasama ang ilang tauhan ng 54th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ngunit imbes na sumuko ang suspek na si Ataman Hacsiw, tubong Ifugao at dayo sa nasabing barangay, pinaputukan niya ang grupo ni Villar na tinamaan sa braso na tumagos sa tagiliran.
Ayon sa ulat, umabot sa 20 residente sa Brgy. Labang, Ambaguio, ang nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka nang makainom ng tubig mula sa water source na nilagyan ng suspek ng nakalalasong substance.