NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga tauhan ng National Food Authority-Northern District Office (NFA-NDO) na huwag tuluyang buwagin o bawasan ng trabaho ang ahensiya dahil sa naipong utang nito.
Sa isang panayam makaraang mag-courtesy call sa kanya ang mga bagong halal na opisyal ng Camanava Press Corps, sinabi ni NFA-NDO Manager Jaime Hadlocon na kaya naipon ang utang ng kanilang ahensiya ay dahil na rin sa kanilang “social responsibility” sa lipunan na makapag-ipon ng bigas na ginagamit kapag nagkakaroon ng trahedya.
Aniya, trabaho nila na mapanatiling mababa ang presyo ng bigas sa merkado at sakaling buwagin ang NFA o kaya naman ay bawasan ang kanilang trabaho ay wala nang makapipigil sa mga negosyante na magdikta ng presyo nito.
“The NFA, on behalf of the national government, has to buy high from the farmers for them to get a fair return on their palay production investment, and sell law to consumers to ensure that those who are short on funds will have a chance to buy good quality rice at an affordable price,” paliwanag ni Hadlocon.
Aniya, ang pagbili nang mas mahal at ang pagbebenta nang mas mura ang “social responsibility” ng NFA upang matiyak na may bigas na maibibigay sa mga nangangailangan.
Sa ganitong mandato, talagang mahihirapan kumita ang NFA kahit isang government corporation ngunit nitong mga nakalipas na buwan ay naibaba ng naturang ahensiya ang kanilang utang mula P165 bilyon ay naging P158.9 bilyon nitong Agosto 31, 2016.
“Government subsidy for these NFA functions had been very low, averaging P4.250 billion per year. There were even years when the agency had zero subsidy (1984, 1986, 1987) and it had to resort to bank borrowings to finance its operations,” dagdag ni Hadlocon.
Nangangamba ang mga empleyado ng NFA na kapag binuwag ang kanilang ahensiya o binawasan ang kanilang tungkulin ay posibleng magkaroon ng problema ang gobyerno lalo sa panahon ng trahedya.