INIHAYAG ng nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad, sa imbestigasyon ng Senado sa extrajudicial killings sa bansa kahapon, binalak noon ni Davao City Mayor Duterte na tambangan ang grupo ng Human Rights na pinamunuan ni Sen. Leila de Lima, na nag-imbestiga noong 2009 kaugnay sa sinasabing vigilante group na DDS.
Ngunit ayon kay Edgar Matobato, hindi nakarating ang grupo ni De Lima sa bahagi ng quarry site.
Si De Lima ay dating chairperson ng Commission on Human Rights at sa ilalim ng kanyang termino ay inilunsad ang imbestigasyon sa DDS na ikinagalit ni Duterte.
Kilalang kritiko ni Duterte ang senadora at kamakailan ay inakusahan ng Pangulo si De Lima na sangkot sa pamamayagpag ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP).