Sunday , December 22 2024

Ba’t si Mayor Bistek lang paano ang iba?

ARAW-ARAW masasabing gumaganda at unti-unting nagtatagumpay ang giyera ng pamahalaang Duterte laban sa kriminalidad partikular ang dinatnan ni Pangulong Digong Duterte na problema sa malalang pagkakalat ng ilegal na droga sa apat na sulok ng bansa.

Nasabi natin unti-unting nananalo ang gobyerno sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng “Oplan Tokhang” at “Oplan Double Barrel” dahil isa-isa (Lima-lima? ‘Di lang!) kundi maramihan ang nalalagas na drug pushers maging ang kanilang pinagkukuhaan.

Bukod sa pagkakalaglag  at pagkakapatay ng maraming tulak, marami na rin ang nagsisukong users, maging ng mga tulak. Iyon nga lang, may mga sumukong matitigas pa rin ang ulo. Inakala nila na kapag sila’y sumuko na ay hindi na sila susubaybayan ng pulisya. Kaya hayun, ang resulta kundi hindi sila paktay, kulong.

Hindi lang mga pipitsugin tulak ang isa-isa nang nalalaglag sa bitag ng gobyerno kundi maging ang mga bigtime – ang masaklap nito, lumalabas na kaya pala malala ang bentahan ng droga sa bansa dahil ang mga nasa likod o mismong mga nagpapatakbo ng sindikato ay ilang kilalang maimpluwensiyang tao kabilang na rito ang mga ibinotong mamuno ng bayan o lalawigan.

Nandiyan pa iyong mga kaanak ng celebrities, nandiyan pa rin ang kaanak ng mga dating naglingkod sa gobyerno bilang kalihim, at marami pang iba na may mga koneksiyon (daw).

Koneksiyon? Oo, lamang hindi uubra sa gobyernong Duterte ang kanilang koneksiyon. Tablado silang lahat.

Well, hindi maiiwasang maikompara tuloy ang PNoy admin. PNoy admin na masasabing inutil o malambot sa kampanya laban sa droga. Paano kasi, wala nang ibang inatupag ang PNoy admin kundi ang sisihan nang sisihin at silipan nang kung ano-ano si Ex-PGMA.

Kaya ang resulta’y  lumobo nang husto ang problema sa droga ang bansa.

Hayun, sa kasisilip pa, kasisisi ni PNoy kay PGMA, anong nangyari? Napahiya si PNoy. Laya si Gloria. Iyan ang kakaiibang legacy ni Ex-PNoy.

Balik tayo sa kampanya ni PDigong.

Maraming sumasakay sa kampanya ni PDigong, okay lang iyan basta’t bansa ang makinabang (at basta’t laban sa droga). Lamang, sana naman huwag lang samantalahin sa ibang paraan para lamang mapansin at masasabing may silbi ang kanilang non-government organization.

Sa kampanya ni PDigong, isa sa unang alkalde na pinasuko dahil sa pagkakasangkot sa droga ay si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., habang ang kanyang Junior na si alyas Kerwin ay patuloy na pinaghahanap ng PNP. Sumunod naman nagsisuko ang mga pulis kabilang ang ilang opisyal. Sila naman iyong binansagang ninja cops.  Sila ‘yong binabawasan ang kanilang mga nakokompiskang droga at saka ibinebenta. Minalas pa nga ang ibang ninja cops. Hayun napatay sila sa enkuwentro imbes sumuko.

Kampanya pa rin sa droga. Pinasailalim na rin sa drug test ang mga kawani ng iba’t ibang government agencies. May mga nagpositibo sa paggamit. Ganoon din ang mga konsehal, may nagpositibo – si QC Councilor Hero Bautista, kapatid ni QC Mayor Herbert “Bistek”  Bautista.

Umamin naman si Hero na biktima siya ng droga kaya, nagpaalam muna sa Konseho at pumasok sa rehabilitation center. Ayos!

Sa pagkakasabit ni Hero, aba’y isinabit din ang kanyang kuya (hindi sa droga) kundi isinabit siya ng VACC. Ha! Kinasuhan siya (kasama si Hero) sa Ombudsman. Ang isinampa ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa pangunguna ng chairman nitong si Dante Jimenez, ay dishonesty, neglect of duty, misconduct at conduct prejudicial to the best interest of service as public official. Puwede!

Pero bakit si Mayor Bistek lang ang kinasuhan ng VACC samantala nauna pa si Mayor Espinosa Sr., na mas malala pa ang situwasyon. Ang anak niya mismo ang drug lord. Ba’t hindi siya (Mayor Espinosa) kinasuhan ng VACC sa Ombudsman? Teka, iyan ay kung wala pa. Wala pa akong nababalitaan kasi.

Dahil ba sa sikat si Mayor Bistek, kaya siya lang ang kinasuhan habang si Espinosa Sr., ay ngayon pa lamang nakikilala – sa masamang paraan pa.

Hindi naman natin kinukuwestiyon ang VACC. Buti nga nandiyan ang NGO na ‘yan. Marami nang natulungan. Pero kailangan kaya nila kasuhan sa Ombudsman ang mga isinangkot ni PDigong sa droga? May gobernador at may Senador pa. O VACC ano ang ipinagkaiba nila kay Mayor Bistek?

Sana walang kinalaman ito sa plano ng alkalde sa pagtakbo bilang isang senador sa 2019.

Aga!

AKSYON AGAD – Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *