KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte, mga pulis ang karamihan sa mga nasa ikatlo at pinal na listahan ng mga sangkot sa illegal drug trade sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Duterte, medyo makapal-kapal ang hawak niyang listahan na katatapos lamang ma-validate.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya makapaniwalang sa kabila nang pinalakas na kampanya ay marami pang mga pulis ang nakikipagsabwatan sa drug syndicates.
Sinabi ng Pangulo, kung hindi niya matapos aksiyonan ang listahan ay iiwan niya ito bilang legacy at sakaling hindi nakuha sa maayos na pakiusap ay bahala na ang mga awtoridad na gawin ang angkop na aksiyon para manumbalik ang kaayusan sa bansa.
Kinompirma rin ni Pangulong Duterte na positibo ang pagkakasangkot ng mga Alcala sa lalawigan ng Quezon sa illegal drug trade at hindi aniya agad naaresto dahil sa kanilang koneksiyon at madali nilang nalalaman kung target sila ng mga awtoridad.