NAKIPAGSANIB-PUWERSA ang National Capital Region Police Office (NCPRO) sa Department of Education (DepEd) kasunod nang serye ng bomb threats at mga banta sa ilegal na droga sa mga paaralan at unibersidad sa Metro Manila.
Una rito, nagkaundo sina NCRPO Regional Director Chief Supt. Oscar Albayalde at DepEd Asec. Jesus Mateo na magtatag ng protocol kung paano mas mapabibilis ang pagre-report ng mga paaralan sa mga awtoridad patungkol sa bomb threats .
Sinabi ni Mateo, ang mga magulang ang may pangunahing papel sa pagkontrol sa pagkalat ng mga maling impormasyon sa bomb joke.
Ayon sa kanya, dapat unang i-report ng mga guro sa mga awtoridad ang nasabing bomb scare bago ipaalam sa mga magulang ng mga estudyate.
Binigyang din ng direktiba ni Mateo ang mga paaralan na isama ang mga pulis at local government units (LGUs) sa anti-illegal drug lectures sa mga kabataan.
Samantala, nagpaalala si DepEd NCR Regional Director Dr. Ponciano Menguito na huwag nang magpakalat ng bomb jokes o kaya’y mahaharap sa parusa batay sa PD 1727 o Anti-Bomb scare joke law.
Sa gitna ng mga pagbabanta, tiniyak ni Albayalde sa publiko na mas pinaigting ang presensiya ng mga pulis at barangay tanod sa paligid ng mga paaralan para sa kaligtasan ng mga estudyante.
( ROWENA DELLOMAS-HUGO )