NAGLABAS ng saloobin si US Republican presidential candidate Donald Trump kaugnay sa kontrobersiyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kay President Barack Obama.
Sa pahayag ng business magnate sa kanyang Twitter account, naging sarcastic aniya si Duterte kay Obama.
“China wouldn’t provide a red carpet stairway from Air Force One and then Philippines President calls Obama ‘the son of a whore.’ Terrible!” wika ni Trump.
Ang unang bahagi ng pahayag ng bilyonaryo ay tumutukoy sa G20 summit sa Beijing na sinasabing inisnab ng Chinese leaders si Obama.
Magugunitang binitawan ni Duterte ang pahayag na “son of a bitch” sa presidente ng Amerika bago siya tumulak sa Association of Southeast Asian Nations summit sa Laos.
KANSELADONG OBAMA-DUTERTE MEETING TAMA LANG — CLINTON
IGINIIT ni Democratic presidential candidate Hillary Clinton, tamang desisyon ang ginawa ni U.S President Barack Obama na kanselahin ang pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte kasabay nang nagpapatuloy na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Laos.
Ito ay kaugnay sa pagtuligsa ni Duterte kay Obama at pagtawag na “son of a bitch” na nagtulak sa White House na agad kanselahin ang bilateral meeting ng dalawang pangulo na nakatakda sana kamakalawa.
Sinabi ni Hillary, isa sa mga isyu na nais talakayin ni Obama ang extrajudicial killings na nangyayari sa bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon sa gitna ng “all out war” laban sa illegal na droga
Sa isyung ito nag-ugat ang pagkapikon ni Duterte na sinabing hindi niya kailangan ng “lecture” sa kanyang kampanya.
Ani Clinton, tama lamang ang ginawa ng pangulo ng Filipinas na nagsisi kasunod nang kanyang personal attacks kay Obama.
Binigyang-diin niyang dapat mangibabaw ang mutual respect sa pagitan ng dalawang bansa.