ISINAPUBLIKO na ng Malacañang ang guidelines sa pag-iral ng state of national emergency kaugnay ng lawless violence na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 4, 2016 dahil sa pagpapasabog ng mga terorista sa Davao City.
Batay sa Memorandum Order (MO) No. 3 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, alinsunod sa direktiba ng chief executive, iiral ang kautusan upang maagapan ang pagkakadamay ng buhay at ari-arian sa ano mang posibleng pag-atake ng ilang grupo.
Nakasaad sa kautusan ang mahigpit na bilin sa mga awtoridad para protektahan ang fundamental civil at political rights ng mga mamamayan sa panahon ng pag-iral ng national emergency.
Maaaring atasan ng Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pulisya at sandatahang lakas sa mga pagkakataong kailangang pigilan ang paglawak ng karahasan mula sa partikular na lugar, hanggang sa iba pang bahagi ng bansa.
Nakatala rin dito na walang “warrantless arrest” sa implementasyon ng state of national emergency, maliban na lamang sa ilang konsiderasyon na itinatadhana ng batas.