PINAKAABANGAN ng lahat ang paghaharap nina US President Barack Obama, United Nations (UN) Secretary General Ban Ki Moon at Pangulong Rodrigo Duterte sa ASEAN Summit gala dinner sa Vientiane, Laos kagabi.
Excited na ang media sa buong mundo sa magiging reaksiyon ng tatlong leader na magkakatabi sa gala dinner.
“Presidents Duterte and Obama will be seated next to each other, which expectedly, will focus all cameras on them to deliver to the world the encounter of the two. Incidentally, United Nations (UN) Secretary General Ban Ki Moon is also seated on the other side of President Duterte,” ayon sa kalatas ng Palasyo kahapon.
Ang ASEAN summit ang unang foreign trip ni Duterte mula nang maluklok sa Malacañang noong Hunyo 30.
Matatandaan, binatikos ni Duterte sina Obama at Ban Ki Moon sa aniya’y pakikialam sa lumolobong extrajudicial killings sa bansa kaugnay sa kanyang drug war habang tikom ang bibig sa mga paglabag sa karapatang pantao ng African-American sa US at pag-atake ng Amerika sa Syria at Iraq na ikinamatay ng daan-daang libong inosenteng sibilyan.
Binira rin ni Duterte ang pagpaslang ng US troops sa 600,000 Moro nang makipagdigmaan ang Amerika sa Filipinas ngunit hindi humingi ng paumanhin si Uncle Sam hanggang ngayon.
Nakatakdang i-turn-over ni Lao Prime Minister Thounglough Sisoulith kay Pangulong Duterte ang chairmanship ng ASEAN na epektibo sa Enero 1, 2017.
Kasabay ito nang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN kaya inaasahan na maraming aktibidad ang idaraos sa Filipinas.