MALINAW ang proklamasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maaaring ikompara ang state of national emergency sa martial law na nagsususpinde sa lahat ng kalayaang sibil at politikal sa bansa.
Para kay Policy Studies Group (PSG) National Capitol Region (NCR) head at concurrent PDP Laban Membership Committee NCR chief Jose Antonio Goitia, nakasalalay ang layunin ng proklamasyon sa dalawang bagay: ang maprotektahan ang taongbayan mula sa iba pang pag-atake ng masasamang elemento ng lipunan at madakip upang harapin ang kanilang kaparusahan.
“Nararapat na magkaroon nang mabilis at matigas na aksiyon mula sa Pangulo bilang commander in chief ng armed forces ang duwag at patraydor na pag-atake ng mga terorista sa walang labang mga sibilyan sa Davao City noong Biyernes,” ani Goitia.
Ipinaliwanag ni Goitia, tumatayo ring Pangulo ng PDP San Juan City Council, ipinakikita ni Pangulong Duterte na hawak niya ang liderato ng ating sandatahang lakas gayondin ang pulisya upang masupil ang mga bayolenteng panganib sa Mindanao at maiwasang kumalat sa ibang bahagi ng bansa.
“Gayonman, malinaw na ang proklamasyon ni Pangulong Duterte ay dapat lamang gamitin nang hindi maaapektohan ang anomang sibil at politikal na kalayaan ng taongbayan. Maging ang law experts ay naniniwalang walang nilabag sa konstitusyon ang kanyang deklarasyon,” ani Goitia. “Bilang isang abogado at dating piskal, batid ng Pangulo ang hangganan o limitasyon ng kanyang tungkulin at kapangyarihan. Nais niyang maisagawa ito nang responsable at prioridad niya ang kaligtasan ng publiko.”
Sa mga nakaraang naganap sa ating kasaysayan, ginamit din ng administrasyong Arroyo at Estrada ang kapangyarihan sa militar nang atasan na maseguro ang kaligtasan ng publiko matapos ang mga terrorist attack noong 2000 at 2003.
“Pero hindi kagaya ni dating Pangulong Arroyo, nag-ingat si Pangulong Duterte na huwag mayapakan ang sibil at politikal na kalayaan sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin bilang commander in chief upang harapin ang panganib na dala ng mga terorista. Bilang isang taong naniniwala sa batas, batid niya ang 1987 Constitution na isang reaksiyon ng rehimeng awtoritaryan na may sapat na pasubali o safeguards upang hindi maideklara ang batas militar,” giit ni Goitia.
“Ang mga nagsasabi ng martial law bogey ay mga taong ignorante sa mga nasabing safeguards o kaya naman ay sila ang mga nabibiktima ng mga teroristang nagpapatibong upang katakutan sila.”
Inilahad ni Goitia na higit pang nagdudulot ng kalitohan ang martial law alarmist at mas binibigyang pansin ang pambabatikos sa Pangulo. Sa halip aniyang magpakita ng suporta upang maiwasan ang mga susunod na pag-atake at madakip ng batas ang mga salarin, ginugulo nila ang administrasyon para maisagawa ang tungkulin na matiyak ang kaligtasan ng publiko at tugisin ang mga terorista.
“Hindi lamang oportunista at walang pakialam ang mga naninira kay Pangulong Duterte at sa kanyang administrasyon sa gitna ng nakaambang peligrong dulot ng mga terorista, isa rin itong simple at hindi direktang pagtulong sa layunin ng mga terorista na makapaghasik ng takot at makalikha ng pagkakahiwalay ng sambayanan. Hindi na rin nakapagtataka kung higit pang ginatungan ng mga puwersang kumokontra kay Duterte ang kaguluhan upang ibagsak ang Pangulo habang sinisikap niyang durugin ang panganib ng kaguluhan at kriminalidad. Sa harap ng mga peligrong ito, nararapat lamang na higit pang maging alerto at listo ang taongbayan,” pagwawakas ni Goitia.