KAILANGAN ng 35,000 dagdag na doktor sa buong Filipinas para magaya ang healthcare system ng Cuba.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Health Secretary Paulyn Ubial, target ng administrasyong Duterte na magkaroon ng isang doktor sa bawat limang barangay.
Kung hindi man aniya makakamit ito kaagad, balak muna ng Department of Health (DoH) na maglagay ng isang nurse o midwife sa bawat barangay o kada dalawang barangay.
“The Philippines is eyeing at least one doctor per five villages before the end of the six-year term of President Rodrigo Duterte,” ani Ubial.
Sa ngayon ayon kay Ubial, isang doktor ang nagsisilbi kada munisipyo, nangangahulugan na ibig sabihin ay isang doktor sa kada 20 hanggang 30 barangay.
Para makamit aniya ito, sinabi ni Ubial, kailangan ng P57 bilyon pondo para sa sahod ng mga doktor.
Upang makamit ang target na isang nurse o midwife kada barangay, kinakailangan ng P25 bilyon para sa suweldo ng mga health worker.
Sa kanyang pagbisita sa Cuba noong nakalipas na buwan bunsod ng direktiba ni Duterte na pag-aralan ang healthcare system sa nasabing bansa, nabatid ni Ubial na may isang doktor sa bawat 1,075 katao sa nasabing bansa.
Itinakda ng World Health Organization ang standard for public health na isang doktor sa bawat 20,000 population.
“In our setting, the standard is one doctor is to 33,000 population,” sabi ni Ubial.
( ROSE NOVENARIO )