LEGAZPI CITY – Makaraan ang mahigit walong oras, nailigtas na sa kapahamakan ang 2-anyos paslit na binihag ng isang hostage taker sa Ilaor, Oas, Albay kahapon.
Ito ay kasunod ng negosasyon ng Special Weapons And Tactics team, Oas Police Station at Police Regional Office-5 na pinamunuan ni Regional Director Chief Supt. Melvin Buenafe
Dakong 8:30 am nang maibalik sa kanyang ina ang biktima at napasakamay ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang si Bayani Eutega Dalanon, 48-anyos, residente sa Milagros, Masbate.
Nag-umpisa ang hostage taking dakong 12:00 am habang binabaybay ng bus ang kahabaan ng Oas. Ayon sa mga saksi, kausap ng suspek ang kanyang misis sa cellphone bago ang insidente at nagkaroon sila ng diskusyon na ikinagalit ng mister.
Ilang minutong walang imik ang suspek kaya nagulantang ang 48 pasahero ng Raymond Bus (UVH 621) nang bigla niyang bitbitin ang bata sabay tutok ng basag na bote at pinababa ang iba pang mga pasahero.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung nasa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang suspek nang maganap ang insidente.