NAG-ISYU ang limang bansa ng travel warnings sa kanilang mga kababayan na nasa bansa, kasunod nang pagsabog sa Davao City na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng maraming biktima.
Kabilang dito ang mga bansang Australia, United States, United Kingdom, Canada at Singapore.
Muling pinaalalahanan ng naturang mga bansa ang kanilang mga kababayan kaugnay sa idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na “state of lawlessness”.
Sinabi ng bansang Australia, i-reconsider ng kanilang mga kababayan ang pagbiyahe sa eastern part ng Mindanao kabilang ang Davao City at panatilihing mapagmatyag habang nasa loob ng bansa.
Habang inabisuhan ng United States embassy ang US citizens na manatiling mapagmatyag at iwasang magtungo sa Mindanao.
Ang United Kingdom ay nagpaabiso rin sa kanilang mga kababayan na iwasang bumiyahe papuntang south-west Mindanao at Sulu na balwarte ng local terror group Abu Sayyaf.
Kasabay nang pagkondena, pinayuhan ng bansang Singapore ang kanilang mga kababayan na nasa bansa, na manatiling mapagmatyag at mag-monitor ng balita para makakuha ng mga instructions sa mga awtoridad.
Habang nag-update ang gobyerno ng Canada ng kanilang “security tab” at inabisuhan ang lahat ng Canadian citizens na ipagpaliban muna ang pagbiyahe sa Mindanao at Sulu.