TUTULONG ang Bureau of Customs sa pagbabantay sa seguridad ng bansa matapos maganap ang pagsabog sa Davao City nitong Biyernes ng gabi na ikinamatay ng 14 at 79 ang malubhang nasu-gatan.
Ayon kay Customs Enforcement Officer-In-Charge Arnel Alcaraz, kaagad niyang inilagay sa red alert ang 400 Customs police, ilang oras matapos ang pagsabog sa night market sa Davao.
Sinabi ni Alcaraz, kanselado ang leave, day-off at bawal mag-absent ang kanilang mga tauhan para tumulong sa pagbibigay ng ligtas na seguridad sa iba’t ibang law enforcement agency sa bansa.
Aniya ang mga customs police ay nasa ilalim ng Enforcement Group ay mahigpit na magbabantay sa mga pantalan tulad ng North Harbor, Batangas port, Zamboanga port at iba’t ibang local at international ports sa buong bansa.
“We will just augment the PNP maritime and the coast guard to make sure na hindi sila makalulusot papunta sa mga lungsod at bayan-bayan para maghasik ng kaguluhan ang mga terorista,” ani Depcom Alcaraz.
Ayon naman kay BOC Commissioner Nicanor Faeldon, magbabantay 24/7 ang kanilang mga tauhan sa Enforcement Group para ipakita sa mga kalaban ng lipunan ang nagkakaisang puwersa ng pamahalaan para labanan ang karahasan.
Sa ngayon ani Alcaraz, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagbabantay laban sa smuggling ng droga at iba’t ibang produkto.
Dahil sa pagkakaaresto ng BOC sa isang Allan Soohoo na isang American at Chinese national at pagkakakompiska nang mahigit 2-kilo ng cocaine kamakailan sa Diosdado Macapagal Airport ay nakatakdang bigyan ng parangal ng US Department Homeland Security si Alcaraz at kanyang mga tauhan.