SADYANG suki na ng mga film festival si Ms. Baby Go. Sunod-sunod ang mga filmfest na kasali ang BG Productions International, kaya naman ang lady boss nito ay maya’t maya rin ang punta sa iba’t ibang filmfest. Kaya mula sa pagiging Reyna ng Indie Films, puwedeng bansagan na rin si Ms. Baby bilang Reyna ng International Filmfest!
Sa aming panayam kay Ms. Baby, sobra ang kanyang kagalakan at pasasalamat sa mga pelikula nilang nananalo ng awards dito sa Pilipinas at sa international filmfest.
“Sobra akong masaya na kinikilala ang mga movie namin pati sa abroad, na nananalo ito ng awards. Kaya nagpapasalamat talaga ako sa mga director namin, sa mga artista na lumalabas sa BG Production, kay Dennis (Evangelista), sa mga co-producer ko, at sa lahat.
“Very proud ako sa mga pelikula ko kasi magagaling ang mga artista at directors ko, tulad nitong Area at Siphayo nina Direk Louie (Ignacio) at Direk Joel (Lamangan). Sigurado panlaban ito sa mga filmfest. Like itong sa Kazakhstan, diyan unang lalaban ang Area, kahit di pa siya nagpe-premiere night dito sa atin,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Ms. Baby na sa filmfest sa Kazakhstan posibleng unang manalo ng international acting award si Ai Ai delas Alas.
“Dito posibleng matupad ang pangarap ni Ai Ai na manalo ng international award. Magaling dito si Ai Ai at ang bait-bait pa, walang arte sa trabaho, pati anak niya (Sancho dela Alas) napakabait, wala akong masabi sa kanila.
“Kaya gusto ko talaga na magkaroon ng project ulit sa BG Productions si Ai Ai, okay siya,” mahabang saad ni Ms. Baby.
Unang sasabak ang grupo ni Ms. Baby sa All Lights India International Film Festival mula September 24 to 27 para sa pelikulang Laut ni Direk Louie Ignacio. Tapos naman ay sa Eurasia International Film Festival sa Kazakhstan para sa pelikulang Area na pinagbibidahan nina Allen Dizon at Ai Ai. Ang Iadya Mo Kami naman ay kalahok sa Los Angeles Philippine International Film Festival (LAPIFF) na gaganapin sa October 7 to 9 at sa filmfest sa Italy at Germany.
Kasali rin ang Allen Dizon starrer na pinamahalaan ni Direk Mel Chionglo sa 13th Salento International Film Festival mula September 2-10 sa Tricase, Italy.
Super-hataw talaga ang BG Productions at si Ms. Baby! Abangan ang iba pa nilang mga makabuluhang pelikula.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio