INIUTOS ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang full alert status sa buong bansa.
Ito ay kaugnay sa nangyaring pagsabog nitong Biyernes ng gabi sa Davao City.
Sa memorandum directive na ipinalabas ni PNP chief, lahat ng regional police directors ay dapat paigtingin at palakasin ang lahat ng kanilang police operations.
Habang nasa double alert ang lahat ng kampo at detachments ng PNP.
Nais ni Dela Rosa na mismo ang provincial directors at chief of police ang mangangasiwa sa checkpoints at deployment ng patrols sa “areas of convergence” lalo na sa vital installations.
Habang dinoble ang seguridad sa seaports, airports, terminal, malls lalong lalo na ang mga pampublikong lugar.
Mahigpit din ang gagawin nilang koordinasyon sa militar.
“As stated by the CPNP, we suspect that the bombing in Davao last night is the handiwork of the ASG as diversionary tactics, to ease the ongoing military and police operations targeting them. investigation is ongoing and we will look into the claim of the ASG,” pahayag ni PNP-PIO spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos.
METRO MANILA ALERTADO NA
IPINAIRAL ang full alert status ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila kasunod nang pagsabog kamakalawa ng gabi sa Davao City.
Ayon kay NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde, bahagi ito ng kanilang “precautionary measures” upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Kaugnay nito, mas magiging mahigpit ang checkpoints sa buong National Capital Region (NCR).
Maging ang mga mall, pantalan, paliparan at bus stations ay dadagdagan ng mga pulis na magbabantay.
Kaugnay nito, inalerto na ang lahat ng district directors para agad maaksyonan ang ano mang insidente na maitatala sa kanilang nasasakupan.
(JAJA GARCIA)
SEGURIDAD SA NAIA HINIGPITAN
MAAASAHAN ang mas mahigpit na seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kasunod ng pagsabog sa Davao City.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) chief Ed Monreal, nagtaas sila ng full alert sa paliparan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Bunsod nang direktiba, kanselado muna ang day-off at bakasyon ng airport security personnel.
Kaugnay nito, pinayuhan nila ang mga biyahero na maagang magtungo sa mga paliparan bago ang mismong flight schedule.
Paliwanag ni Monreal, mas magiging mabusisi ang inspeksiyon sa mga bagahe at pasahero kapag naka-full alert.
Ngunit depensa niya, ginagawa lamang ang naturang mga hakbang upang hindi sila malusutan ng ibang mga tao na nais manabotahe.
“This is not to alarm the public. We have raised our alert status as a proactive measure to ensure safety and security of airport users,” pahayag ni Monreal.