Lawmakers butata kay Sec. Judy Taguiwalo (Sa DSWD’s PSP)
Jerry Yap
September 3, 2016
Bulabugin
IBA talaga kapag naiintindihan at nasa puso ng isang government official ang kanyang trabaho.
Alam niya kung paano ito ipatutupad at alam rin niya kung paano ito ipagtatanggol.
‘Yan ang nakita natin sa Kalihim ng Department of Social Work and Development (DSWD) na si Ka Judy Taguiwalo.
Mainit ngang pinag-usapan sa budget hearing sa Senado ang pagpa-patupad ng Protective Services Program (PSP) ng DSWD.
Ang batayang salalayan nito, ang desisyon ng Supreme Court na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas. Ganoon din ang General Appropriations Act of 2015 & 2016.
Sa ipinalabas na Memorandum Circular 09 ni Secretary Taguiwalo, matapang niyang idineklara na ang referral ng mga mambabatas ay hindi mahalaga sa implementasyon ng PSP.
Tanging ang DSWD ang mayroong kapangyarihan para tukuyin kung sino ang benepisaryo ng PSP sa ilalim ng itinatakda ng aprubadong GAA 2015 & 2016.
Pero as usual, siyempre, eepal as if mga bayani ng bayan ang ilang mambabatas.
Gaya ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na nagsabing, ang mga mambabatas daw ang nakaaalam nang husto at makapagsasabi kung sino ang mahihirap nilang constituents na higit na nangangailangan ng panlipunang serbisyo.
Alam pala nila ‘e bakit hindi sila ang maunang tumulong sa constituents nila?!
Sinabi ni Teves, kung mayroon daw referral mula sa congressman ‘e magkakaroon ng check and balance dahil alam umano nila kung sino ang nangangailangan ng tulong.
Pero butata si Teves.
Matikas na inilinaw ni Madam Judy na hindi lang ito usapin kung sino ang nakakikilala o nakatatalos, sa halip, hiningi niya ang kooperasyon ng mga mambababatas para maipagkaloob sa mga tamang benepisaryo ang serbisyo.
Sabi nga ng Kalihim, magtulungan ang DSWD at ang mga mambabatas pero hindi nila papayagan ‘yung ‘palakasan’ system sa ngalan ng nag-refer.
Sa Memorandum Circular No. 09, nais din proteksiyonan ni Secretary Taguiwalo ang mga field officers (FOs) ganoon din ang offices, bureaus, services and units (OBSUs).
Kalakaran kasi na kapag may dalang referral ang isang constituent sa DSWD nagiging priority sila dahil ‘yung referral ay may kasama pang tawag mula sa opisina ng mambabatas.
E paano nga naman kung walang referral?
Tengga na lang sila sa kahihintay kung kailan sila haharapin ng DSWD?
Kaya pinabilib tayo ni Secretary Taguiwalo sa ginawa niyang ‘yan.
Ang PSP ng DSWD ay para sa lahat!
Pero paalala lang po, Ka Judy, alam naman ninyo na maraming nagkalat na ‘walanghiya’ at mananabotahe.
Maging mahigpit din po sana sa pagtangan ng prinsipyo, oryentasyon at implementasyon ang mga FO at OBSU ng DSWD.
Suportado namin kayo riyan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap