MAGSISIMULA na sa Lunes, September 5 ang TV series na The Greatest Love na pinagbibidahan ng award winning actress na si Ms. Sylvia Sanchez. Papalit ito sa time slot na iiwan ng Tubig at Langis sa Kapamilya Network.
Ang pinakabagong family drama na The Greatest Love ay isang di malilimutang kuwento ukol sa pambihirang pagmamahal ng ina para sa kanyang mga anak. Gagampanan ni Sylvia ang papel na Gloria, isang babaeng handang ibigay ang lahat para sa kanyang minamahal kahit na ang kapalit nito ay ang sarili niyang kaligayahan. Mayroon siyang dementia at ipakikita rito ang mga sakripisyong kayang gawin ng isang ina para sa kanyang mga anak.
Aminado ang batikang aktres na sobra siyang na-in love sa role niya sa The Greatest Love at itinuturing niyang isang malaking blessing ang bagong TV series na kanyang pinagbibidahan.
“Sobra akong nagandahan sa kuwento ni Gloria, na in-love kaagad ako kay Gloria at nasabi ko sa sarili ko na ako si Gloria,” pahayag ni Ms. Sylvia.
Dagdag pa niya, “Kaya sobrang tuwa ko talaga nang malaman ko na ako iyong kinokonsider nilang gaganap sa role.”
Bilang isang ina, ibinibigay ni Gloria ang lahat sa kanyang apat na anak (Dimples Romana, Andi Eigenmann, Matt Evans, at Arron Villaflor), ngunit magbabago ang lahat sa pagbubunyag ng isang malaking sikretong wawasak sa kanilang pamilya na itinago sa kanila sa loob ng maraming taon.
Kasabay ng pagkakawatak-watak ng kanyang mga anak ay ang unti-unti ring paglaho ng mga alaala ni Gloria dahil sa dementia. Ngunit bago mahuli ang lahat, kailangang labanan ni Gloria ang pagtatraydor ng kanyang gunita upang muling pagsama-samahin ang kanyang mga anak at ibalik ang dati nilang samahan.
Bakit parang bigay na bigay at ganado kayo rito, base sa nakita sa teaser?
Sagot ng aktres, “Dahil nanay ako at gaya ng ibang nanay, may mga pinagdaanan din, may mga hindi pagkakaintindihan din sa mga anak at normal iyan.”
Sa palagay ba niya ay maraming nanay ang makaka-relate sa mapapanood dito?
“Lahat ng nanay, maganda man o hindi ang relasyon nila sa mga anak nila, lahat ay makaka-relate sa mapapanood nila rito, lahat ay iiyak.”
Kasama rin sa cast sina Tonton Gutierrez, Alec Bovic, at Joshua Garcia at ito’y mula sa direksiyon nina Dado C. Lumibao at Mervyn Brondial
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio