KINOMPIRMA ni Philippine National Police Highway Patrol Group director, Senior Supt. Antonio Gardiola Jr., pumanaw na ang tauhan nilang inaakusahang bumaril at nakapatay sa motor rider na si John dela Riarte.
Kinilala ang pulis na si PO3 Jeremiah De Villa, ang itinuturong nakapatay kay Dela Riarte.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing tumalon ang nakakostudiyang pulis mula sa isang gusali sa Camp Crame, bandang 9:45 am kahapon.
Bago ito, nakarinig ng sigaw ang ilang nasa loob ng kampo at pinaniniwalaang nagmula iyon kay De Villa.
Isinugod ang biktima sa PNP General Hospital ngunit hindi naisalba ng mga manggagamot.
Matatandaan, naging viral sa internet ang video na makikita ang pag-aresto ng mga pulis kay Dela Riarte at pinosasan bago isinakay sa police mobile.
Ngunit pagkalipas ng ilang saglit, iniulat ng mga tauhan ng HPG na napatay nila ang motor rider dahil nang-agaw ng baril.
Umani ito nang negatibong reaksiyon sa marami, sinasabing nakaapekto sa nagpatiwakal na pulis.
Bukod kay De Villa, kabilang din sa akusado sa insidente si PO2 Jonjie Manon-og.