INIUTOS ng liderato ng Kamara na bawiin o isauli ang mga lumang “protocol plate” o “plakang 8” na ibinibigay sa mga kongresista.
Bunsod ito ng mga insidente na nakikita ang naturang plaka sa mga sasakyang sangkot sa ilegal na gawain o nakaparada sa mga establisimyento na may kalaswaan.
Sa memorandum na ipinalabas ng Secretary General ng kapulungan, sakop ng direktiba na isauli ang mga “plakang 8” magmula noong nakaraang 16th Congress at mga nauna pa.
Depende sa rami ng mga mababawing plaka, sinabi ni SecGen Cesar Pareja, pag-aaralan nila ang susunod na hakbang sa mga hindi magbabalik ng plaka.
Si Navotas Rep. Toby Tiangco, nais itigil na ang pagbibigay ng bagong “plakang 8” sa kanilang mga mambabatas dahil hindi aniya ito nakatutulong sa kanilang trabaho para magsilbi sa kanilang mga nasasakupan.
Napag-alaman, ang paggamit sa protocol plates ay nagsimula noon panahon ni dating Pangulong Carlos Garcia.
Ilang linggo lang ang nakalilipas, sinalakay ng mga awtoridad ang isang condo unit sa Pasay City, sinasabing pinamumugaran ng high class prostitues.
Nadakip ang mga nasa likod ng prostitusyon at may nakitang sasakyan na may “plakang 8” na ginagamit ng grupo.