UMABOT sa 15 miyembro ng teroristang grupong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay ng mga tropa ng gobyerno sa dalawang magkahiwalay na enkwentro sa Patikul, Sulu.
Sinasabing kabilang sa napatay ang sub-leader ng nasabing grupo.
Batay sa report ng Philippine Army Special Operations Command (SOCOM), naganap ang unang enkwentro sa Sitio Tubig Magkawas at sumunod ang sagupaan sa Sitio Pangi, kapwa nasa pagitan ng Brgy. Langhub at Brgy. Bungkaong, Patikul.
Inihayag ng SOCOM, anim bangkay ng Abu Sayyaf ang narekober sa encounter sites habang ang siyam ay dinala ng tumakas na mga terorista.
Kabilang sa mga bangkay na narekober ay kinilalang si ASG sub-leader Mohammad Said alias Ama Maas, may standing arrest warrant sa kasong kidnapping at pamumugot ng dalawang Canadian noong nakaraang taon.
Sinasabing sangkot si Said sa pagdukot sa Norwegian national na si Kjartan Sikkengstad, kasalukuyang bihag n ng mga Abu Sayyaf, at sa Filipina na si Maritess Flor, nakalaya noong nakaraang Hunyo.