NAIS ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na matukoy ang mga supplier ng mga preso na nakapagpapasok ng droga at mga kontrabando sa New Bilibid Prisons (NBP).
Kasunod ito nang inilunsad na buy-bust operation ng mga tauhan ng PNP-NCRPO sa loob mismo ng NBP at narekober doon ang limang bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P60,000.
Dahil dito, ayon kay NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde, magsasagawa ang PNP-NCRPO ng follow-up operations upang matukoy kung sino ang source ng shabu ng inmates.
Aminado si Albayalde, sa sobrang laki ng medium security compound, tiyak maraming preso ang nakapagtago ng kanilang mga kontrabando habang isinasagawa nila ang pag-galugad.
Sa isinagawang “Oplan Galugad” limang preso sa medium security compound ang nahulihan ng shabu.
Ang limang preso na may kasong robbery at theft ay sasampahan ng karagdagang kaso na may kaugnayan sa illegal drugs at ililipat sa maximum security compound.
Bukod sa shabu, samot-saring kontrabando pa ang nasabat sa loob ng pambansang piitan gaya ng cellphones at appliances.