PUMAYAG ang high-end bar at club owners mula sa Makati at BGC sa Taguig City na mag-deploy ang pambansang pulisya ng mga pulis na nakasibilyan para manmanan ang drug personalities na nagbebenta ng party drugs.
Ito ang desisyon sa isinagawang pagpupulong kamakalawa pasado 10:00 pm.
Una rito, tinukoy ng PNP na talamak ang bentahan ng droga sa high-end bars na ang mga parokyano ay anak ng mayayamang pamilya.
Kamakalawa, isinagawa ang pagpupulong na pinangunahan mismo ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa, kasama si NCRPO director, Chief Supt. Oscar Albayalde at ilang local government executives.
Nasa pagpupulong din si Taguig City Mayor Lani Cayetano na sinabing importanteng makiisa ang mga may-ari ng bars sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinabi ni Dela Rosa sa club at bar owners, mahalaga ang kanilang suporta sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay PNP chief, ginagawa nila ang lahat at hindi nila makakamit ang tagumpay sa kanilang kampanya kung walang mga tumutulong sa kanila.
Pagbibigay-diin ni Dela Rosa, ang lumalalang problema sa droga ay kailangan ang “whole of nation approach” kasama ang iba’t ibang stakeholders dahil hindi ito kaya ng PNP.
Nasa dalawa o tatlong police personnel ang kanilang itatalaga sa nasabing establishments para magsagawa ng surveillance sa loob at labas ng bars.
Target ng PNP na maging drug-free ang business establishments lalo na ang bars.