BAGUIO CITY – Sinibak sa puwesto ang dalawang chief of police sa rehiyon ng Cordillera nang mabigo silang makamit ang target sa implementasyon ng Oplan Double Barrel.
Ayon kay Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) acting regional director, Chief Supt. Elmo Francisco Sarona, iniutos niya ang pagsibak sa puwesto ng isang hepe sa lalawigan ng Abra habang ang isa pa ay sa lalawigan ng Mt. Province.
Napag-alaman, ang isa sa dalawa ay chief of police ng Bauko Municipal Police Station.
Ayon kay General Sarona, napatunayan sa validation na nagkulang ang dalawa at wala silang nagawa sa Oplan Double Barrel lalo na at may reported na on-going illegal drug activities sa kanilang area of responsibility.
Sa ngayon, nasa holding unit ng PRO-COR ang dalawang chief of police at inaasahan ni Sarona na dapat “meritorious” ang paliwanag nila para hindi sila maharap pa sa karagdagang administrative action.