BAGAMA’T hindi naghahangad ng giyera, tahasang binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China na huwag susubukang lusubin ang Filipinas.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa harap ng mga sundalo sa 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Sinabi ni Pangulong Duterte, hindi mangunguna ang Filipinas sa giyera ngunit tinitiyak na kapag umatake ang China, magiging madugo.
Ayon sa commander-in-chief, hindi basta bibigay na lamang ang mga sundalo nang hindi lumalaban.
Tiniyak din ni Pangulong Duterte na tulad ng mga sundalo, handa siyang mamatay para sa bayan.
Kaya kahit ayaw niya ng giyera, mahalagang ihanda ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para kayang idepensa at protektahan ang ating teritoryo.
Bilang bahagi ng paghahanda, inulit ng pangulo na hindi susunod sa “lowest bidder scheme” bagkus bibili ng pinakamagandang klase ng gamit panggiyera.
“I guarantee to them kung kayo ang pumasok dito it will be bloody,” ani Presidente Duterte. “Ako po ay Filipino. Parehas n’yo magpapakamatay ako para sa bayan.”