POSIBLENG makaapekto sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ito ang pahayag ng mga kinatawan ng PNP sa pagdinig ng Senate committee on local government kaugnay ng pinagdedebatehang term extension ng kasalukuyang barangay officials.
Giit ng pulisya, mapipilitan silang mag-divert ng mga tauhan na abala ngayon sa anti-illegal drugs operation para umalalay sa halalan kung ito ay matutuloy.
Sa panig ng militar, sinabi nilang baka makaapekto sa kanilang operasyon laban sa Abu Sayyaf ang pagdaraos ng eleksiyon.
Ngunit una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, dapat nang mapalitan ang nakaupong mga opisyal ng barangay dahil ilan sa kanila ay sangkot sa illegal drug trade.
Sa kasalukuyan, aabot sa 11,321 barangays ang may talamak na drug related cases mula sa 42,029 barangays sa buong bansa.