HINATULAN ng anim hanggang 10 taon pagkakakulong ng Sandiganbayan Fourth Division ang dating National Broadband Network (NBN) – ZTE deal whistleblower na si Rodolfo “Jun” Lozada Jr., dahil sa kasong katiwalian.
Sa ruling ng anti-graft court, guilty si Lozada sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay sa maanomalyang land deal noong siya pa ang pangulo at chief executive officer ng state-owned Philippine Forest Corp. (PFC) noong 2007 at 2008.
Kinasuhan ng katiwalian si Lozada dahil sa ilegal na pagkaloob ng lease contract sa isang lupa sa kanyang kapatid na si Jose Orlando Lozada at isa pang private corporation na Transforma Quinta.
Kapwa napatunayang nagkasala ang magkapatid na haharapin ang anim hanggang 10 taon pagkakabilanggo.
Nakitaan ng Ombudsman ng “conflict of interest” si Lozada nang iginawad ang 6.59 ektaryang leasehold right sa kapatid na si Jose noong Disyembre 18, 2009.
Sa kabila nito, mayroon pang tiyansa na mag-apela si Lozada.
Samantala, absuwelto si Lozada sa paglabag sa Section 3(h) ng Anti-Graft Law o pagkakaroon ng pinansiyal na interes sa transaksyon.
Magugunitang si Engineer Jun ang star witness ng sinasabing overpriced na NBN-ZTE, tumestigo laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo at dating Commission on Elections chairman Benjamin Abalos.