NAGPALABAS ang Supreme Court (SC) ng status quo ante order kaugnay nang planong paghimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay SC spokesman Atty. Theodore Te, epektibo ang status quo ante order sa loob ng 20 araw.
Ibig sabihin ay wala munang magaganap na pagpapalibing sa labi ng dating pangulo sa loob ng 20 araw mula kahapon o kapag natanggap ng petitioners at lahat ng partido ang kautusan ng korte.
Ipinagpaliban muna ang oral arguments sa petisyon na inihain ng tatlong grupo na biktima ng Martial Law, na gaganapin sana ngayong umaga.
Kabilang ang petisyon nina dating Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Neri Colmenares, gayondin ang ikalawang petisyon ng Grupo ni Albay Rep. Edcel Lagman at mga kaanak ng mga biktima ng Desaparacidos at ang petisyon nina dating Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Etta Rosales.