BAGONG tahanan na ng University of the Philippines (UP) track and field team ang pinakamoderno at pinakamalaking track and football stadium sa bansa.
Ito ang anunsiyo nitong Sabado, kasabay ng paglulunsad ng nowheretogobutUP Foundation na sadyang itinatag upang mangalap ng donasyon at pangasiwaan ang makokolektang ambag para sa varsity scholars ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ayon kay Atty. GP Santos IV, Chief Operating Officer ng Philippine Arena na kinatatayuan ang Philippine Stadium, kabilang sa assistance package na kanilang iniambag ang libreng paggamit ng mga pasilidad ng Philippine Stadium para sa pagsasanay, sasakyan ng mga manlalaro papunta at pabalik mula sa practice venue at ang recovery meals ng mga player at coach ng koponan ng UP Men’s at Women’s Track and Field.
“Ikinararangal namin ang pakikipagtulungan sa isa sa pinakamagandang athletic program sa bansa na pinangangasiwaan ng nangungunang indibidwal sa running movement dito sa Filipinas,” pahayag ni Santos patungkol kay Coach Rio dela Cruz, ang head coach ng UP track team.
“Hangad namin maging kaambag sa pagpapaunlad ng ating mga atleta at maging kabahagi sa layuning mag-uwi ng medalya mula sa susunod na Olympics na idaraos sa Tokyo, apat na taon mula ngayon,” ayon sa abogado.
Maliban sa ensayo, sasagutin din ng Philippine Arena ang gastos sa uniporme, sapatos at ibang gamit, dormitoryo, kagamitan sa pagsasanay at iba pang mga pangangailangan gaya ng matutuluyan tuwing may torneong lalahukan ang koponan.
Ayon naman kay Coach Rio, dahil sa tulong mula sa Philippine Arena, “UP’s team is on the right track.”
Ayon sa kilalang running coach, “walang kaduda-dudang hitik sa talento ang bansa, at karamihan sa kanila’y laging UP ang punta. Kaya kailangan nating gawin sa paghubog sa panalong programa ay pagpapalago sa mga talentong ito — at dito pumapasok ang ambagang kagaya nito.”
Ikinatuwa ni UP Maroons Manager Dan Palami (ng pamosong Philippine Azkals) na siya ring Presidente ng nowheretogobutUP Foundation, ang “napakalaking kontribusyon ng Philippine Arena” maging ang patuloy na “commitment” ng mga sponsor ng iba pang varsity team ng Unibersidad.
“Hindi lingid sa marami na bilang isang state university, salat sa pondo ang UP; panahon na upang paigtingin ng alumni ang pakikipagtulungan sa paghahanap ng mga katuwang gaya ng Philippine Arena at iba pang mga corporate sponsor, upang makasabay ang ating mga atleta sa pinakamagagaling sa UAAP at iba pang kompetisyon,” paliwanag pa ni Palami.
Ang Philippine Arena ang pinakamalaking indoor arena sa mundo at ang seating capacity nito ay nasa 55,000. Sa loob ng Arena na nasa Bulacan ang Philippine Stadium, pinakamodernong palaruan ng track at football sa Filipinas. Aabot sa mahigit 25,000 katao ang maaaring maupo at manood sa pinakamalaking sports stadium sa bansa.
(HATAW News Team)