NAKATAKDANG sampahan ngayong araw ng pormal na kaso ang dalawang police general na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang sangkot sa illegal na droga.
Sinabi ni DILG Sec. Mike Sueno sa press conference sa Malacañang, kabilang dito sina police director Joel Pagdilao at Chief Supt. Edgar Tinio, sinasabing protektor ng drug lords.
Ayon kay Sueno, hawak na niya ang rekomendasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) at nakatakda niyang pirmahan pagkabasa kung may prima facie evidence.
Kasabay nito, inihayag ni Sueno, marami pang local government officials ang nakatakdang i-validate sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Sa kanyang pagkakaalam, nasa 50 local chief executives ang sangkot sa drug trade at aabot nang daan-daan kung isasama ang barangay captains.