NANGANGAMBA sa kanyang kaligtasan ang entertainment columnist na napagkamalang driver/lover ni Sen. Leila De Lima na si Roldan Castro, kaya naman hihingi ng legal advice ang huli para matukoy kung sinuman ang nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya.
Ayon kay Castro nang magtungo ito ng personal sa tanggapan ng Hataw kahapon, nakatakda ang kanilang pagpupulong ngayong umaga ni PAO Chief Persida Acosta.
Ani Roldan, “Hindi ko puwedeng ipagsawalang bahala ang nangyayaring ito. Nakakalokang biglang nag-viral ang picture ko kasama si De Lima.”
Nag-umpisang kumalat sa social media ang larawan nina Castro at De Lima matapos akusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator De Lima na umano’y mayroong relasyon sa kanyang driver.
Ani Castro, ang larawan niya kasama si De Lima ay kuha noong nagpa-presscon ang huli para sa pagtakbo sa senado.
“Ito ang pagkakaiba ng mga blogger sa mga journalist talaga. May mga iresponsableng blogger na ‘di muna itsine-check ang facts.
“May nagsabi nga sa akin na blogger (Judge) na ‘You became celebrity due to an irresponsible act of a blogger’.”
Totoo ang tinurang ito ni Jude gayundin ni Castro na siya ay nadale ng emotional outlet at intellectual masturbation ng ibang hindi nag-iisip basta lamang may mai-post.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio