CAGAYAN DE ORO – Arestado ang isang babae sa drug buy-bust operation sa Brgy. Agora, Cagayan de Oro nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Raihana Ali Baitara, dating municipal councilor ng bayan ng Pantar sa Lanao del Norte mula 1998 hanggang 2006.
Narekober mula kay Baitara ang ilang gadgets, P100,00 marked money, resibo mula sa money remittance centers at dalawang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P1.8 milyon ang street value.
Kabilang sa inaresto ng mga awtoridad ang isang menor de edad na pinaniniwalaang runner ni Baitara.
Ayon sa 14-anyos na si Dodong, tatlong beses na siyang nag-deliver ng droga sa Cagayan de Oro mula sa Marawi City para kay Baitara.
Si Baitara ay sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang ang menor de edad ay dinala sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).