NFA, NEA, NIA nais nang lusawin ni CabSec. Evasco
Jerry Yap
August 20, 2016
Bulabugin
NARITO pa ang isang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na nag-iisip, una ang kapakanan ng bayan bago magsalita o gumawa ng desisyon.
Narito si Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco, Jr., na imbes magdagdag ng gastos ay sinikap pag-aralan ang 12 ahensiyang inilagay sa kanyang portfolio. Kaya nakita niya, mayroong mga ahensiyang puwede namang lusawin na pero hindi makaaapekto sa normal na operasyon ng gobyerno.
Matatandaan na isinailalim sa cabinet portfolio ang 12 ahensiya sa ilalim ng pamamahala ni Cabinet Secretary Jun Evasco, ito ang Cooperative Development Authority (CDA), Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), National Anti-Poverty Commission (NAPC), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), National Food Authority (NFA), National Youth Commission (NYC), Office of the President-Presidential Action Center (OP-PAC), Philippine Commission on Women (PCW), Philippine Coconut Authority (PCA), Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa loob nang halos mahigit 30-araw sa kanyang pagkakatalaga bilang Secretary to the Cabinet, iminumungkahi ni Secretary Evasco na lusawin na ang NFA, National Irrigation Administration (NIA) at National Electrification Administrator (NEA).
Napakasimple ng rason ni Secretary Evasco pero totoong-totoo naman.
Aniya, ang NIA ay nagtatayo ng malalaking irrigation dams pero imbes pakinabangan ng magsasaka ay naglubog sa baha sa maraming barangay.
Aniya, malaking halaga ng pondo ang nalustay sa irrigation dams, nakaprehuwisyo po!
Mas mainam pa umano kung maliliit na impounding facilities ang ipinagawa, napakinabangan pa umano ng mga magsasaka at hindi pa gumastos nang malaki.
Sa Bohol, mayroong tatlong multibillion-peso irrigation dams: Malinao sa Pilar town, Capayas sa Ubay at Bayongan sa San Miguel.
Ang NFA bukod sa walang pera, may utang pang P167-bilyon.
Bukod diyan, alam nang lahat na ang NFA ay nagagamit lang sa rice smuggling ng ilang player sa Bureau of Customs.
Mas mainam pa umano kung gawin itong regulatory board na hindi sangkot sa rice industry at lalong hindi makikialam sa merkado.
Ang NEA? Tapos na umano ang mandato ng NEA. Iniaangal ang NEA ng 129 electric cooperatives nationwide dahil hindi naman umano nakatutulong.
Mabuti na lamang at tapat sa kanyang paglilingkod si Secretary Evasco.
Kung hindi siya nagmamalasakit sa bayan, puwede namang huwag nang lusawin ‘yang tatlong ahensiya na ‘yan, kundi pasukan nang pasukan na lang niya ng mga taong humihingi ng pabor sa kanya na makapasok sa Duterte administration pero hindi niya ginawa.
Kung sa buhok titingnan tila matandang-matanda na si Secretary Evasco pero kung susuriin ang kanyang paninindigan, ang alab ng pagnanasang makapaglingkod sa kanyang puso ay hindi nagmamaliw…
Sana lahat ng Gabinete ni Presidente Digong ay kagaya ni Secretary Jun Evasco.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN – Jerry Yap