CAUAYAN CITY, Isabela – Sumuko at nanumpa ang 74 katao na sangkot sa illegal logging activity sa Ilagan City.
Ang mga sangkot sa labag sa batas na pamumutol ng mga kahoy sa mga kagubatang sakop ng Ilagan City ay nanumpa sa harapan ni Mayor Evelyn Diaz na sila ay iiwas na sa illegal logging activity.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni barangay chairman Gaylor Malunay, Liga ng mga Barangay President ng Ilagan City, sila ay natutuwa dahil tumugon ang lahat ng mga inanyayahan kasama ang mga chairman upang manumpa na hindi na muling magsagawa ng ilegal na pamumutol ng mga punongkahoy.
Iginiit ni Malunay na si Pangulong Rodrigo Duterte ay seryoso sa iba’t ibang kampanya kabilang ang illegal logging.
Ayaw nilang mangyari na matulad ang illegal loggers sa mga sangkot sa illegal na droga na napapatay.
Una rito, nagsalita rin si Mayor Diaz at nagbigay ng tatlong araw na deadline sa mga sangkot sa illegal logging na magpakita at lumagda ng Memorandum of Undertaking na hindi na sila masasangkot sa nasabing ilegal na gawain.
Layunin ng hakbang ng lady mayor na matigil ang illegal logging activity sa Ilagan City.