NAGPIYANSA na ang itinuturing na top rebel leader ng isla ng Panay na si Maria Concepcion “Ka Concha” Araneta-Bocala para sa kanyang pansamantalang kalayaan upang makasama sa peace talks sa Oslo, Norway sa darating na Agosto 20.
Ayon kay George Calaor, provincial chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN-Aklan), ang naturang hakbang ay inisyatiba ng Duterte administration sa layuning maabot ang peace negotiations sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Nakasentro ngayong taon ang peace talks sa comprehensive agreement on social and economic reform na sumasalamin sa kagustuhan ng mga Filipino na magkaroon ng tunay na pagbabago.
Si Ka Concha ang magiging kinatawan ng buong Western Visayas bilang regional chairperson ng CPP-NPA.
Una rito, si Ka Concha ay nakulong noong nakaraang taon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-Aklan) at inilipat sa Pototan, Iloilo dahil sa mga kaso ng murder, rebellion at illegal possession of firearms and explosives sa Aklan, Antique at Iloilo.
Samantala, mahigpit na seguridad ang ipinatupad ng BJMP-Iloilo na nag-escort kay Ka Concha sa Aklan Regional Trial Court.