IPINAGDIRIWANG ng Cebu Pacific ang kapanganakan ng isang babaeng sanggol, na isinilang habang ang eroplano’y nasa kalagitnaan ng biyahe mula Dubai patungong Maynila. Ito ang unang pagkakataon na may ipinanganak sa eroplano ng CEB habang nasa himpapawid.
Ipinanganak ang sanggol na si “Haven” apat na oras makaraang lumipad ang flight 5J015 mula Dubai International Airport noong nakaraang Linggo, 14 Agosto.
Tumulong sa panganganak ang mga tauhan ng CEB at dalawang pasaherong nars.
Inilihis ang biyahe patungong Hyderabad sa India, upang siguruhing makatatanggap ng medical assistance 0 tulong pang-medikal ang mag-ina. Tinulungan ng CEB’s Customer Care team ang ina at ang sanggol, na 32 linggong gulang.
“Nalulugod kami na mabuti ang kalagayan ng mag-ina, at nais namin batiin ang cabin crew para sa kanilang propesyonal at mahusay na paghawak sa sitwasyon. Nagpapasalamat din kami sa dalawang volunteer nars na tumulong na siguruhin ang ligtas na pagsilang ng sanggol,” ani Lance Gokongwei, Presidente at CEO ng CEB.
“Upang ipagdiwang ang makabuluhang okasyon na ito, ginagantimpalaan ng CEB ng isang milyong GetGo points si Baby Haven, na magagamit niya sa pagsakay sa amin nang libre,” aniya.
Lifestyle rewards program ng CEB ang GetGo. Walang expiry ang puntos na inihandog sa sanggol, at maaari niya itong ibahagi sa kanyang pamilya.
Kabilang sa serbisyo ng CEB, ang pinakamalaking airline ng Filipinas, ang mga flight sa higit 100 ruta sa 36 lokal at 30 internasyonal na destinasyon, sakop ang Asya, Australia, Middle East, at USA.
Ang armada niyang may kapasidad na 57 ay binubuo ng pitong Airbus A319, 36 Airbus A320, anim Airbus A330, at walong ATR 72-500.
Inaasahan ng CEB ang pagdating ng 32 Airbus A321neo, dalawang Airbus A330, at 16 ATR 72-600 mula 2016 hanggang 2021.