ZAMBOANGA CITY – Umaabot na sa humigit kumulang 45 kasapi ng bandidong Abu Sayyaf group (ASG) ang napatay sa month-long operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lalawigan ng Basilan.
Ayon sa ulat ng Western Mindanao Command (WestMinCom), ito ay base sa body counts na narerekober ng kanilang tropa sa mga lugar ng sagupaan at verified intelligence reports na kanilang nakukuha.
Nitong nakaraang araw lamang, matagumpay na nakubkob ng militar ang tinaguriang natitirang kampo na nagsisilbing stronghold ng Abu Sayyaf sa bundok na tinatawag na Hill 355 sa Brgy. Silangkum sa munisipyo ng Tipo-Tipo.
Inihayag ni Lt. Col. Andrew Bacala, Jr., commanding officer ng 4th Special Forces Battalion ng Philippine Army, ang tuluyang pagkubkob ng militar sa natitirang stronghold ng Abu Sayyaf ay resulta ng combined assault na isinagawa ang mga kasapi ng Special Forces, Light Armor Cavalry troops kasama ang iba pang elite counter terrorism units sa tulong ng artillery fires kaya napilitan silang iwan kanilang kampo.
Sinabi ni Bacala, bukod sa maraming napatay na bandido ay nakarekober din sila ng matataas na kalibre ng mga baril katulad ng caliber .50 heavy machine gun at maraming mga bomba.