Friday , November 15 2024

Odd/even 24-hours sa EDSA o MM ang dapat!

PERHUWISYONG problema sa trapik sa EDSA at maging sa secondary streets ang isa sa sinasabing pumapatay sa negosyo sa Metro Manila.

Iyan ang lumabas sa pag-aaral kamakailan. Hindi lang milyon ang nawawala hindi umaabot na rin sa bilyon – sa loob ng isang taon marahil.

Siyempre, kapag naapektohan ang ekonomiya ng bansa sanhi ng problema sa trapiko, lahat ay apektado – hindi lang ang mayayaman kundi lalo na ang mahihirap.

Ano pa man, ang lahat ay sinisikap na solusyonan ang malalang problema sa trapiko. In fairness, ang mga nagdaang administrasyon ay nagsikap na ayusin ang naturang problema.

Nandiyan rin iyon, ipinagbawal nang pumasok ang provincial buses sa Metro Manila kapag alas siyete ng umaga lalo ang mga galing sa south o kabikulan.

Nagpatayo pa nga ng central terminal ang MMDA noong nakaraang administrasyon sa labas ng Metro Manila o southern part ng MM pero, ewan ko bakit bigla na lamang naglaho ang nasabing project at nagsibalikan ang mga bus sa kani-kanilang terminal partikular sa Araneta Center, Cubao, Quezon City.

Kung susuriin, malaki ang nasayang sa kaban ng bayan sa naumpisahang proyekto dahil lamang sa kakulangan ng political will ng MMDA noong panahon ni PNoy.

Paano kasi, masyado nilang binebeybi ang pakiusap ng mga nagmamay-ari ng mga bus. Kaya, walang nangyari sa pagsisikap nilang ayusin ang problema sa EDSA.

Ngayon, nabuhay uli ang problema. Ha! Ba’t kailan ba namatay ang problema sa trapiko sa EDSA o sa buong Metro Manila? Hindi pa namamatay at hindi pa nasosolusyonan para malibing na sana.

Isa sa ikinokonsiderang solusyon ng Department of  Transportation (DOTr) ay pagbawalan ang mga provincial buses na dumaan sa EDSA.

Kung matatandaan, unang plano ng ahensiya ay tanggalin sa loob ng Metro Manila o sa kahabaan ng EDSA ang mga bus terminal ng mga biyaheng probinsiya at sa halip, sa labas na ng MM mag-terminal.

Puwede po ang plano lamang, paano naman ang mahihirap na mula sa probinsiya? Iyon bang kapos sa budget? Wala naman siguro magiging problema rito. Kinakailangan lang dito ay ayusin ng DOTr sa tulong ng LTFRB na bawasan ang singil ng provincial buses sa kanilang mga pasahero para mayroon naman pasahe ang mga pasahero sa pagsakay uli ng panibagong bus patungo sa kanilang destinasyon sa MM.

Lamang, kung nasa labas ng MM ang terminal, paano naman iyong maraming bagahe. Halimbawa, bumaba sa terminal sa southern metropolis ay patungong Fairview, Quezon City. No choice siya kundi umarkila ng sasakyan o kung magtaksi man, tiyak na ‘hoholdapin’ sila ng mga tarantadong abusadong taxi drivers.

Kaya, sana bago ang hakbangin ay pag-aralan ito ng DOTr. Magkaroon dapat ng pagbabantay sa mga abusadong taxi driver.

Pero, kung talagang nais ng kasalukuyang gobyerno na solusyonan ang EDSA. Tama ang plano na ilabas na sa MM o sa EDSA ang mga provincial terminal.

Kapag nasa labas na, awtomatikong hindi na daraan sa EDSA ang provincial buses.

Nakita naman natin ang problema sa trapiko ng mga provincial terminal sa EDSA. Ginagawa nilang extension ng kanilang terminal ang EDSA. Maging ang mga bangketang para sa pedestrian ay nagiging bahagi na ng kanilang terminal.

Bukod dito, dapat din silipin ng DOTr na maraming bus company na nasa EDSA ang idinedeklarang bilang ng bus nila sa local business permit nila ay hanggang 20 buses lamang pero ang totoo nito ay hanggang 50 to 100 pala. Ilang bus ang pinalulusot nila para bumaba lang ang babayaran nilang buwis sa lokal na pamahalaan. Minsan na rin itong ibinulgar ni Dr. Joie Sinocruz ng QC Hall. Marami raw silang natuklasan sa nasabing maling gawain. Ewan lang kung sinampahan nila ng kaso o pinagmulta ang mga nabuko nilang bus companies sa QC.

Sa plano ng DOTr, malamang malaking pagbabago ang mangyayari sa EDSA. Para maging patas naman, palitan na rin ang number coding sa ODD/EVEN. Kapag Lunes, Miyerkoles, at Biyernes ay bawal ang ending na odd number habang sa Martes, Huwebes, at Sabado bawal naman ang ending na even. Bukod sa gawing 24 oras ang pagbabawal. Oo wala nang window-window.

DOTC Sec. Art Tugade, sir kabayan, ituloy mo na ang mga plano. Tiyak na solved ang problema sa EDSA at secondary roads.

Paghahatakin din ang mga sasakyang nakahimpil sa mga barangay/municipal roads. Parang problema sa droga, hayun effective ang laban ni Pangulong Digong dito. Political will lang iyan at ‘wag nang makinig sa mga taliwas na komentaryo.

AKSYON AGAD – Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *