ZAMBOANGA CITY – Masuwerteng nakatakas mula sa kamay ng bandidong Abu Sayyaf group (ASG) ang isang Indonesian kidnap victim bago siya pugutan ng ulo ng mga kidnapper sa lalawigan ng Sulu.
Sa impormasyon mula sa Western Mindanao Command (WestMinCom), ang biktimang si Mohammad Safyan, 28, ay nakita ng mga residente sa dalampasigan ng Brgy. Bual sa munisipyo ng Luuk.
Napag-alaman ng militar mula sa biktima, nakatakas siya mula sa kanyang abductors pagdating nila sa bahagi ng mangrove area ng Brgy. Bual at Bato-Itum sa munisipyo ng Luuk na roon sana siya pupugutan ng ulo.
Nakita ng mga residente ang biktima habang lumalangoy kaya siya ay sinagip at dinala sa himpilan ng Luuk municipal police station.
Inaasahang dadalhin ang dayuhan sa Sulu provincial police office para sa documentation bago siya iuuwi sa kanyang bansa.
Si Sayfan ay isa sa mga crew ng Tugboat Charles, dinukot kasama ng anim pang Indonesian sa karagatang bahagi ng Philippine border noong Hunyo 23, 2016.
Nagpapatuloy ang operasyon ng Joint Task Force Sulu para maisalba ang iba pang mga biktima.
Kung ibabase sa record ng militar, hindi kukulangin sa 20 ang foreign at local kidnap victims ang nasa kamay ng Abu Sayyaf sa bulubunduking bahagi ng Sulu.