MANANATILI sa PNP Custodial Center ang mag-asawang komunista na sina Benito at Wilma Tiamzon.
Ayon kay PNP Headquarters Support Service (HSS) Chief Supt. Phillip Phillips, isang court order pa lamang ang natanggap nila para sa pansamantalang pagpapalaya sa mag-asawang Tiamzon.
Sinabi ni Phillips, hinihintay pa nila ang release order mula sa tatlo pang ibang korte na may kasong kinakaharap ang mag-asawang lider ng komunistang grupo.
Kapag aniya hawak na ng PNP-HSS ang lahat ng apat na court orders ay saka lamang nila maaaring i-release ang mga Tiamzon.
Ito ay kaugnay sa planong pakikilahok ng dalawa sa formal peace negotiations ng pamahalaan at National Democratic Front (NDF) na gaganapin sa Oslo, Norway.
Matatandaan, kinasuhan ang mag-asawang Tiamzon at ang kanilang grupo ng illegal possession of firearms, explosives and ammunitions at harbouring of criminals.