ISINUSULONG ng grupong Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang malawakang kampanya laban sa katiwalin at kriminalidad sa buong bansa kaugnay ng pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagawin niyang mapayapa at ligtas ang bansa para sa lahat.
Kaugnay nito, isusulong ng MRRD-NECC ang pagbibigay ng malawak na edukasyon at impormasyon para sa lahat ng lokal na pamahalaan tungkol sa Federalismo.
Nagbabala ang grupo na kilalang prente na sumuporta kay Pangulong Rody na hindi dapat maiwan ang usapin ng katiwalain at korupsiyon na tila naisantabi dahil sa mahigpit na pagtutok sa ilegal na droga at kriminalidad.
Inalok ng MRRD-NECC ang taongbayan na lumahok sa pagbabago at tulungan si Pangulong Duterte sa pagbaka sa lahat ng uri ng korupsiyon kasabay ang pag-ubos sa mga elemento na sangkot sa ilegal na droga at krimen.
Nagpahayag ng kalungkutan ang grupo tungkol sa mga negatibong pahayag ni VP Leni Robredo sa nagaganap na pagbaka laban sa krimen.
Tinukoy nila ang mga pahayag ni Robredo sa mga pulong sa Amerika na siya ang panauhing tagapagsalita at inulit lang niya ang akusasyon ng mga kritiko ukol sa paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay dating Quezon City Rep. Dante Liban na pangulo ngayon g People’s National Movement for Federalism (Penamfed), katuwang ng MRRD-NECC sa pagsusulong ng Federalismo, kailangan maging mas mapanuri ang bise presidente sa pananalita dahil baka makagulo imbes na siya ay makatulong.
“Bagama’t nasa kalabang partido, tinanggap siya nang maluwag sa puso ni Pangulong Duterte bilang kaagapay at kaalyado sa pamumuno,” ani Liban sa isinagawang pulong pambalitaan kasama sina Martin Dino, bise presidente ng MRRD, Engr. Roberto Gavina, Virginia Paguio, Rocky Corte ng Liga ng mga Barangay sa NCR at iba pang opisyal ng MRRD-NECC.
“Walang hangad ang MRRD-NECC na makipagtalo kanino man bagkus ay mapag-isa ang lahat ng sector kasama ang LGUs, DOJ, Ombudsman, COA para labanan ang katiwalian at korupsiyon sa bansa pati ang minsang paghahari ng kriminalidad,” anila.
Kasabay nito, nagsimula ang mobilisasyon ng MRRD-NECC para isulong ang malaking bahagi ng pagbabago sa bansa at sistemang politikal sa pangunguna mismo ni Pangulong Digong.
Sa pamamagitan ng malakas na ugnayan ng grupo, LGUs, DOJ, kongreso at mga interesadong sektor ay kolektibo nilang ibabandila ang Federalismo para lubusang maabot ang pantay na pagbabago at pag-unlad ng buhay ng bawat mamamayan.