BINALEWALA ni Philippine National Police (PNP) chief, Ronald dela Rosa ang pagbawi ng suporta ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal na droga.
Sinabi ni Gen. dela Rosa, bahala na ang CPP kung ano ang gusto nilang gawin at tuloy lamang ang trabaho ng PNP.
Ayon kay dela Rosa, una sa lahat, hindi rin umaasa ang PNP sa tulong ng mga komunista sa kanilang maigting na operasyon laban sa drug lords sa bansa.
Una rito, inihayag ng CPP, binabawi na nila ang suporta sa anti-iilegal drugs campaign ni Pangulong Duterte dahil naging anti-people at anti-democratic na.
Nalalabag na rin anila ang karapatang pantao ng ilan kasunod ng serye ng mga pagpatay ng mga pulis sa sangkot sa illegal na droga.