MAGLALAAN nang mahigit P7 trilyon ang gobyerno para sa infrastructure projects sa buong anim taon ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno, maituturing na “golden age” para sa infrastructure projects ang administrasyon ni Duterte.
Sa susunod na taon ay maglalaan ang gobyerno ng P860.7 bilyon para sa infrastructure projects lamang.
Ayon kay Diokno, down payment pa lamang ito ng administrasyon sa taongbayan.
Mula sa nasabing halaga, mapupunta ang malaking bahagi nito na aabot sa P355.7 bilyon bilang alokasyon sa pagsasaayos ng transport infrastructure.
Napapaloob dito ang road networks, railways, seaports at airport systems.
Makatatanggap ng umento ang Mindanao sa pondo para sa kanilang mga proyekto.
Mabibigyan sila ng P31.5 bilyon sa susunod na taon kompara sa natanggap na P19.5 bilyon sa kasalukuyan.
Samantala, madaragdagan din ang pondo ng Philippine National Police at edukasyon sa bansa.
Sa susunod na taon, makatatanggap ng P100.4 bilyon para sa epektibong crime prevention.
Habang aabot sa P699.95 bilyon ang alokasyon para sa edukasyon.
Maging ang pondo sa Conditional Cash Transfer (CCT) ay tataasan.
Inaasahan na makikinabang ang tatlong milyong pamilya sa P78.7 bilyon na alokasyon para sa CCT.
Sa nasabing halaga, P23.4 bilyon ang ilalaan para sa rice allowance ng mahihirap na pamilya.