MIDSAYAP, North Cotabato – Naglunsad ng air to ground assault ang puwersa ng pamahalaan laban sa mga armadong grupo na sangkot sa illegal drugs sa probinsya ng Cotabato dakong 5:00 am kahapon na nagresulta sa pagkamatay ng walo katao at 16 ang sugatan.
Kinilala ang mga namatay na sina PO3 Darwin Espaliardo ng Naval Forces, CPL. Jose Miraveles, at PFC Jaypee Duran ng 62nd Division Reconaisance Company ng Philippine Army.
Habang sugatan sina 2Lt. Roel Cortuna, SGT. Antonio Grafil Jr., CPL Rommel Golez, CPL. Olo Ceazar Espanola, PFC Edgar Gegone Jr., PFC Rommnick Clerigo at PFC Normel Grande, pawang mga tauhan ng 62nd DRC.
Patay rin ang sibilyan na si Daib Malimba na tinamaan ng mga ligaw na bala.
Habang apat sa grupo ni Komander Mabrooks ang namatay at siyam ang nasugatan.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director, Senior Supt. Emmanuel Peralta, ni-raid nang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) PNP-12 Regional Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group, 62nd DRC, 602nd Brigade, Cotabato PNP at 34th Infantry Battalion Philippine Army, ang kuta ni Moks Masgal alyas Komander Mabrooks na mga miyembro ng MILF Lost Command sa Sitio Ipil-Ipil Brgy. Nabalawag Midsayap North Cotabato.
Hindi pa man nakarating sa kanilang target ang raiding team ay pinaputukan na sila ng mga armadong tauhan ni Komander Mabrooks gamit ang matataas na uri ng armas.