INIULAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), limang indibidwal ang namatay sa kasagsagan nang malakas na pagbuhos ng ulan sa Metro Manila.
Ayon kay NDRRMC Undersecretary Ricardo Jalad, patuloy nilang mino-monitor ang lagay panahon.
Tiniyak din ni Jalad na sapat ang food packs sa evacuation centers.
Batay sa datos ng NDRRMC, nasa 15,665 pamilya o nasa 70,665 indibidwal ang naapektohan ng pag-ulan dulot ng habagat sa regions 3, 4-A, 6, Negros, ARMM at Metro Manila.
Mula sa kabuuan, nasa 5,138 pamilya ang nanatili sa evacuation centers.
Tinututukan ng NDRRMC ang lagay ng panahon at ang antas ng tubig sa pangunahing mga dam at ilog.
Nakataas ang orange rainfall warning sa Zambales at Tarlac habang nasa ilalim ng yellow rainfall warning ang Metro Manila, Rizal, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan at Bataan.
6 BAHAY NATABUNAN SA 2 LANDSLIDE SA RIZAL
KINOMPIRMA ni Dong Alonzo ng Rizal Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), anim bahay ang natabunan sa naganap na dalawang landslide sa kanilang lalawigan kahapon ng umaga.
Ayon kay Alonzo, sa unang pagguho ng lupa, apat bahay ang naapektOhan sa San Mateo, na tinutuluyan ng 23 katao.
Makalipas ang ilang sandali, isa pang landslide ang nangyari sa kalapit NA lugar at dalawang bahay ang napinsala.
Walang nasaktan sa insidente ngunit inalerto ang mga nananatili sa nasabing bayan na agad lumikas kung magpapatuloy ang matinding pag-ulan.
Nabatid na lumambot ang lupa sa halos isang linggong ulan dulot ng hanging habagat.
LA MESA DAM NASA RED ALERT
BUNSOD nang patuloy na pagbuhos nang malakas na ulan dulot ng habagat, nananatiling nasa red alert ang La Mesa Dam.
Batay sa report nitong Linggo ng umaga, nasa 80.05 meters na ang water level ng nasabing dam.
Ang overflow level ng La Mesa ay 80.15 meters.
Ang mga residente na nakatira sa bahagi ng Tullahan River ay hiniling lumikas simula nitong Sabado nang pumalo sa 79.62 meters ang water level.
Kahapon ng umaga, mahigpit na mino-monitor ng mga lokal na pamahalaan ang tubig sa dam.